Miyerkules, Mayo 18, 2011

Bayan ni Juan Dela Cruz; Kaya mo na kaya?

Red = Indonesia
Yellow = Thailand
Blue = Philippines 
http://www.heritage.org/index/Visualize?countries=philippines&type=9
                 Sa dami ng mga nabasa at napakinggang balita ukol sa ating bansa at mga komentaryo ng mga taong tulad ni Juan Dela Cruz patungkol sa ating bansa, ngayon natin maitatanong sa ating mga sarili ang katanungang: kaya na kaya ni Juan Dela Cruz sagipin ang kanyang Bayan?

                 Sa panahon natin ngayon hindi ko matukoy at masabi ang kasagutan sa tanong na yan sa kadahilanang di ko malaman kung ako ba ay tulog na nakahiga sa kama at nananaginip pa.   Ano na nga ba ang kalagayan ng Bayan ni Juan?   Sa kasalukuyang pangyayari di ko matanggap ang mga nakikita ko sa ating kapaligiran: ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura, sa kalye at kung saan saan pa.   Ang pangongotong upang maka iwas sa batas trapiko at ang kawalan ng kamalayan sa mga nangyayari sa ating Bayan.   Ang kawalan ng kamay na bakal ba ang dahilan kung bakit nagkaganito ang bayan ni Juan?  

Ayon sa aking mga nabasa sa librong likha ni Bob Ong na “Bakit baliktad magbasa ng libro ang mga Pilipino?” doon ako namulat at nagising sa aking pagkakahimlay sa sarap ng aking pagkakatulog.   Nagising ang aking diwa na ang mga nangyayaring ito sa ating Bansa ay hindi isang bangugnot lang, kundi isang katotohanan.   Ano na nga ba ang nangyari kay Juan Dela Cruz, sadya nga bang wala nang disiplina o talagang wala nang paki alam sa ating Bayan.   Gumising ka at bumangon sa pagkakahiga Juan Dela Cruz, wag pabayaan ang iyong sariling nakalugmok at di maka ahon sa kahirapan at kahihiyan.   Tulungan natin linisin ang dungis ng Perlas ng Silangan, wag nating ito ipag walang bahala.    Malala na ang sakit ng ating bansang sinilangan.

Hindi ako isang manunulat o isang politiko, ako’y isang Juan Dela Cruz na namulat at nagising sa inakalang isang bangungot lang ang mga pangyayaring ito.   Oo masarap pakinggan at parang nakalutang sa hangin ang pakiramdam tuwing may mga tao at lugar tayong ipinag mamalaki na tayo lang ang mayroon tulad nila Charice, Nepomuceno, Rizal, Palawan, Boracay at marami pang iba.   Ngunit ang pagmamalaking ito at taas noo nating ipinapakilala sa buong mundo ay di mo maaaring gamitin ipanakip butas sa sira at bulok na sistema ng pamumuhay ni Juan Dela Cruz sa kanyang bayang sinilangan.   Ang bulok na sistema ng pamumuhay na kinatatayuan ngayon ni Juan Dela Cruz ay makikita natin sa araw araw na kamaliang ating ginagawa: pagnanakaw sa linya ng Cable ng telebisyon, tubig, pag jujumper at ang tinatawag na kamkam <pag angkin sa lupang nawawala at di malaman kung nasaan ang may ari>.   Ito ang mga gawing di maiwawaksi ni Juan Dela Cruz.   Grabe natatakot ako para sa ating Inang Bayan,  alam kong marami na sa atin ang nagsasabing “Ayoko na sa ‘Pinas, walang mangyayari sa akin dito.   Di ako dito uunlad….’.   Masakit man pakinggan ngunit ‘yan ang katotohanang nangyayari sa ating mga kababayan ngayon.   Wag natin itong pabayaang mangyari.

Bilang isang mamamayan ng ating bansa, ikaw at ako bilang tao ng bayang ito ay may responsibilidad sa bangungot na ito.   Wag natin ibuhos at iasa ang lahat ng ating kinabukasan sa mga politikong natutulog sa oras ng sesyon sa kongreso, mga politikong walang ginawa kundi pilantikin ng pilantikin ang mesa gamit ang kanilang mga ballpen at mga politikong may dinudukot at may mga nilalagay sa kani kanilang bulsa <blind item ‘yan hulaan mo nalang kung sino.>.   Hindi ko naman sinasabing lahat ng politiko ay ganid o sakim, ngunit ‘yan ang nakikita ko sa ngayon.   At kung hindi natin pipigilan at hindi natin sasawayin, pare pareho tayong masisira sa ganitong paraan.   Ngunit nasa kanila parin ang kanilang mga desisyon kung itutuloy pa nila ang pamumulsa ng pera galing sa kaban ng bayan o kanila itong gagamitin upang mabigyan ng sapat at tapat na serbisyo si Juan Dela Cruz at ang Kanyang Bayan.  

Sa ating araw araw na kinikilos at ginagawa, ito ay makakaapekto sa hinaharap ng ating bayan.   Ang simpleng tamang pagtatapon at pangongolekta ng basura,  ang tamang pagbabayad ng buwis, ang paggamit ng mga tinatawag na green bag at pagrerecycle ng mga dyaryo at papel na may nakasulat na pangit na balita ay maaari pa natin ipang balot ng tinapa at kung ano ano pa sa palengke ay isang simpleng gawi upang lahat tayo ay umangat sa kasalukuyang nangyayari sa ating bansa.   Simpleng pakinggan para ang ating pamumuhay ay sumaayos ngunit bakit nahihirapan si Juan Dela Cruz?  

Masarap manirahan sa bayang may maunlad, tahimik at may pagkakaisa sa lahat ng bagay.   Bayang may malinis na politika at gobyerno, may ligtas at may kaaya ayang kapaligiran.   Ngunit kaylan nga ba ito?   Kaylan natin matatamo ang mabilis at mahusay na pag unlad ng ating bayan.   Wag natin intayin na may isang Presidente o mambabatas na mailuluklok at gagawa ng kilos na maibenta at mapasakamay ng ibang bansa ang ating Inang Bayan.   Wag nating intayin na ang ating Perlas ng Silangan ay mawala na parang bula at magising kang di kilala ang sariling katauhan.   Kumilos ka Juan Dela Cruz, wag kang maging pabaya at wag mong intayin ang pagbukadkad ng haring araw.   Gumawa ng paraan upang ang Inang Bayan ay maipag malaki mo ng walang pag aalinlangan.   Politiko ka man o hindi, Kristyano ka man o Muslim magkaisa para sa ating bayan at para sa ating Kinabukasan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento